Skip to main content

Pagtutol sa Waste-to-Energy Incineration

 Resolusyon Blg. 13: Pagtutol sa Waste-to-Energy Incineration

Yayamang:

Labis na nakakabahala ang panukala sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na amyendahan ang Republic Act 8749, o ang Clean Air Act, upang ipawalang bisa ang nilalaman nitong pagbabawal sa pagsusunog ng basura (waste incineration ban), na ipinagbabawal rin sa Republic Act 9003, o ang Ecological Solid Waste Management Act;

Ang pagbabawal sa pagsusunog ng basura ay nakatatag sa loob ng dalawang batas republika (R.A. 8749 at R.A. 9003) upang protektahan at pangalagaan ang kalusugan ng mamamayang Pilipino at ng ating kalikasan, alinsunod sa isinasaad sa ating Konstitusyon na “dapat pangalagaan at isulong ng Estado ang karapatan ng sambayanan sa timbang at kanais-nais na ekolohiya na naaayon sa aluy-oy at tugma ng kalikasan.”

Ang pagsusunog ng basura ay banta sa kalusugan ng tao at ng kalikasan dahil sa nililikha nitong mga lasong kemikal tulad ng dioxins at furans at iba pang persistent organic pollutants (POPs); lead, mercury at iba pang heavy metals; carbon dioxide, nitrous oxide at iba pang greenhouse gases;  particulate matter; at mga iba pang lason na higit pang nalilikha mula sa pagsunog ng plastik at mga mapanganib na basura;

Ang pagsusunog ng basura ay banta mismo sa kalusugan ng mga manggagawa sa mga pasilidad na sunugan ng basura at sa mga komunidad sa paligid nito;

Ang industriya ng pagsusunog ng basura (waste incineration industry) ay kumukumpetensya sa industriya ng pagreresiklo (recycling industry) na nagbibigay ng maraming trabaho; at higit pa, inaagaw ng industriyang pagsusunog ang mga kabuhayan ng mahihirap na indibidwal at pamilya na kabilang sa informal waste sector (IWS);

Ang mga sunugan ng basura (waste incinerator) ay ginagawang walang-pakinabang at mapanganib na usok at abo ang mga mahahalagang panapon tulad ng papel, karton, plastik, bakal at iba pa, na dapat sana ay ibinabalik sa pabrika at merkado para magamit at mapakinabangan muli;

Ang mga usok na binubuga ng mga sunugan ng basura, kabilang na ang mga tinatawag na “waste-to-energy” incinerator, ay nagpapalala sa climate change o pagbabago ng klima na nagdudulot ng sakuna at pahirap sa mga komunidad; at sapagkat inaagaw ng mga pasilidad na ito ang salapi na dapat ipamuhunan sa mga tunay na solution sa climate change gaya ng renewable energy at zero waste;

Hindi solusyon ang pagsusunog ng basura sa problema ng ating bansa sa basura, polusyon, trabaho at klima;

Kung gayon, pinagpasyahan ng kongreso ng BMP, alinsunod sa adhikain nito na maitaguyod ang kalusugan at kagalingan ng mamamayan at kalikasan, ang mahigpit at aktibong pagtutol sa pagtatanggal ng incineration ban sa Clean Air Act at ang pagpasok ng mga teknolohiyang nagsusunog ng basura.

Comments

Popular posts from this blog

Kalagayang Pampulitika

1.  Ang naghaharing estado ay isang burges na estadong kontrolado ng malaking burgesya at naghahari sa burges na paraan. Burges ang paraan ng pangangasiwa ng estado sapagkat ang umiiral ay isang republika. May umiiral na saligang batas, na naglalaman sa mga karapatang sibil at kalayaang pampulitika – kasama ang karapatan sa pagboto, sa due process, sa kalayaan sa pagtitipon at sa pamamahayag, . Ang mga namumuno ay hindi itinakda ng tadhana o ng itaas para habambuhay na mamuno sa bansa. Di tulad ng ng monarkiya ng lipunang pyudal na may isang pamilya na may “divine right” na maghari sa isang emperyo. Ngunit ito ay nasa panlabas sa kaanyuhan lamang. Gaya ng lipunang pyudal, ang konsentrasyon ng kapangyarihan sa lipunang kapital ay nasa dalawang institusyon lamang – nasa pangulo (bilang commander-in-chief) at nasa mga institusyon ng koersyon – ang pulis at militar, gaya ng hari at kanyang mga kabalyero. Ang mga karapatang pantao ay ilusyon lamang. Dahil ang totoo, ang umiiral – kung a...

Hinggil sa Pagkakaisa ng Paggawa

  Resolusyon Blg. 21:  Hinggil sa Pagkakaisa ng Paggawa Yayamang: Pandaigdigang panawagan ng kilusang paggawa ang islogang “manggagawa magkaisa”. Ang paglaya ng manggagawa mula sa kahirapan at pagsasamantala ng tao sa tao ay nasa kanyang kamay – sa kanyang pagkakaisa, pagkamulat at pagkakaorganisa “bilang uri”. Malayo pa sa ganitong pagkamulat at pagkakaorganisa ang masang manggagawa, sila ay mas organisado “bilang empleyado” sa mga unyon at pederasyon; “bilang sektor” bilang bahagi ng formal at informal labor sector o sa klase na trabaho – sa sektor ng transportasyon, edukasyon, atbp; at “bilang lahi” kaisa ng mamamayang Pilipino sa pagtutol sa pandarambong ng mga imperyalistang dayuhan. Ang ganitong mga antas ng pagkakaisa’t pagkakaorganisa, bagamat hindi pa “bilang uri”, ay sinusuportahan ng BMP dahil nagiging daluyan ito ng kongkretong karanasan sa pang-ekonomya’t pampulitikang pakikibaka – kahit ang pinakaelementaryang antas ng pag-uunyon na pinangangalandakan ng mga neol...

Mga Kaisahan ng BMP 2018 Congress

Nakalista sa ibaba ang mga kaisahan ng ika-walong regular na Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Enero 2018. Ito ay mga tesis ukol sa umiiral na kalagayan (pang-ekonomya, pampulitika, pang-organisasyon), mga resolusyon, pag-amyenda sa saligang batas ng Bukluran, at ang mga pangalan ng bagong halal na pamunuan. Mga Tesis : Kalagayang Pang-ekonomya Kalagayang Pampulitika Kalagayan ng BMP Mga Resolusyon : 1: Pamumuno ng Manggagawa sa Anti-Pasista at Anti-Imperyalistang Laban ng Mamamayan 2: Gawaing buklod bilang saligang sangkap sa pagpapalakas ng BMP 3: Pagpapatuloy ng Kampanyang Anti-Kontraktwalisasyon 4: Kampanya para sa Pabahay (Affordable Mass Housing) at Panlipunang Serbisyo 5: Kampanyang Living Wage at Progresibong Pagbubuwis 6: Full mobilization sa SONA 7: All-Out Propaganda Offensive laban sa rehimeng Duterte at sa kapitalismo 8: Pag-oorganisa sa manggagawa sa serbisyo’t agrikultura 9: Pag-oorganisa sa migranteng manggagawa at kanilang mga pamilya 10: Nakasasapat-sa-sa...