1. Ang naghaharing estado ay isang burges na estadong kontrolado ng malaking burgesya at naghahari sa burges na paraan.
Burges ang paraan ng pangangasiwa ng estado sapagkat ang umiiral ay isang republika. May umiiral na saligang batas, na naglalaman sa mga karapatang sibil at kalayaang pampulitika – kasama ang karapatan sa pagboto, sa due process, sa kalayaan sa pagtitipon at sa pamamahayag, . Ang mga namumuno ay hindi itinakda ng tadhana o ng itaas para habambuhay na mamuno sa bansa. Di tulad ng ng monarkiya ng lipunang pyudal na may isang pamilya na may “divine right” na maghari sa isang emperyo.
Ngunit ito ay nasa panlabas sa kaanyuhan lamang. Gaya ng lipunang pyudal, ang konsentrasyon ng kapangyarihan sa lipunang kapital ay nasa dalawang institusyon lamang – nasa pangulo (bilang commander-in-chief) at nasa mga institusyon ng koersyon – ang pulis at militar, gaya ng hari at kanyang mga kabalyero.
Ang mga karapatang pantao ay ilusyon lamang. Dahil ang totoo, ang umiiral – kung aalisin lahat ng burges na borloloy – ay isang absolutistang paghahari ng isang tao, na ang pangunahing karapatang ipinagtatanggol at itinataguyod ay ang karapatan sa pag-aari (property right).
Sa halos araw-araw na buhay ng manggagawa’t magbubukid, hindi umiiral ang kapasyahan ng nakararami (majority rule) na siyang tunay na esensya ng terminong “demokrasya”. Sa loob ng pagawaan, opisina’t plantasyon, hindi nasusunod ang nakararaming empleyado. Ang umiiral ay ang diktadura ng iilang may-ari, at ang batayan ng kanilang paghahari ay ang kanilang pag-aari sa mga ikabubuhay ng tao.
2. Kasabwat ng burgesya sa kanilang paghahari ang mga luma’t dating malalaking asenderong dumaan na din sa kapitalistang ebolusyon. Ang luma’t bagong mga panginoong may-lupa at ang komersyante, ang bumubuo sa dominanteng pwersa sa kanayunan at kumakatawan sa pinakaatrasado at pinakareaksyonaryong interes sa pulitika sa bansa.
Sa kanayunan, ang mga komersyanteng ito ay ang kinakatawan din ng mga pampulitikang mga angkan at dinastiya, na ginamit ang poder para magmamay-ari ng malawak na lupa at iba pang mga negosyo sa kani-kanilang mga teritoryo. Ang mga burukratang ito ang pumupuna sa “Imperial Manila”, at nasa likod ng pagtutulak patungo sa pederal na anyo ng pagugubyerno. Ang mga halimbawa nito ay ang mga pamilya ng mga Arroyo/Pineda, Duterte, Durano atbp., na hindi naman nagmula sa mga lumang asendero (tulad nila Ayala, Zobel, Lopez, Aquino at Roxas). Sila ay mula sa pamilya ng mga burukrata na sumuksok at nagpayaman sa poder.
3. Ang burges na paraan ng pamumuno ay dumaan din sa ebolusyon:
Pre-martial law elite democracy: Sinasaklaw ito ng 1935 Constitution. Isinabatas ng Commonwealth matapos ang isang yugto para diumano’y mag-aral ng mga Pilipino sa mga prinsipyo ng demokrasya na itinuro ng mga Amerikano. Sa buong yugtong ito, natuto ang mga panginoong maylupa sa kanayunan kung paano ginagamit ang boto ng mga magsasaka sa kanilang mga lupain para maimpluwensyahan ang pambansang pulitika.
Ang bangayan ng naghaharing uri, bukod sa sino ang magiging pangulo at magdodomina sa lehislatura, ay makikita sa banggaan ng mga asendero laban sa sumisibol na lokal na kapitalista. Sinasalamin nito ang debate sa nasyunalismo para sa nagsasariling landas ng bansa sa dikta ng dayuhang interes, ang “Filipino First” policy, ang export-oriented o Filipinization ng ekonomya, atbp. Sa buong yugtong ito, ang mga panginoong maylupa – na dumadaan na sa mabagal na kapitalistang ebolusyon – ang dominanteng pwersa sa pulitika.
Martial Law at diktadurang Marcos: Sinasaklaw ito ng 1973 Constitution. Nagdeklara si Marcos ng “revolution from the center”. Ginamit na dahilan ang paglakas ng kilusang Kaliwa – na noo’y kinakatangian ng matinding radikalisasyon sa hanay ng kabataan – upang agawin ang kapangyarihan sa Kanan, na tinaguriang “oligarkiya” ng mga panginoong maylupa tulad ng pamilya Lopez. Naghari ng tila monarkiya ang pamilya Marcos. Kinubra ng kanilang mga kroni, na kasama ang mga negosyanteng Filipino-Chinese gaya nila Lucio Tan at John Gokongwei, ang buong ekonomya. Pinabagsak ito ng popular na pag-aalsa noong EDSA 1986.
Panunumbalik ng Elitistang Demokrasya: Ibinalik ang diumano’y kalayaan at demokrasya. Kasabay ng mga pagbabago sa pandaigdigang ekonmya, narestruktura ang ekonomya para ipatupad ang neoliberal na doktrina ng liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon, at pleksibilisasyon ng paggawa. Nagresulta na paglaki sa agwat ng mayaman at mahirap. Sa buong panahong ito, may mga pagtatangkang baguhin ang konstitusyon sa pamamagitan ng Cha-cha: FVR (nabigo dahil sa term extension), Erap (economic provisions lamang para alisin ang proteksyon sa lokal na ekonomya ngunit inabutan ng Edsa Dos), GMA (nagdeklara sa SONA na ‘let’s start the grand debate on charter change, ngunit hindi nakausad dahil nalagay sa depensiba matapos ang mga skandalong ‘Hello Garci’ at ‘I am sorry’), Noynoy (walang ginawa dahil ito ay pamana ng kanyang ina).
Rehimeng Duterte: Nanalo sa eleksyon sa bisa ng islogang “Change is coming”. Ginamit ang dismaya at disgusto ng publiko sa elitistang demokrasya na itinaguyod diumano ng mga “Dilawan”. Ipinagpatuloy ang neoliberal na programang pang-ekonomya. Subalit naiiba sa pagsusulong ng pederal na porma ng gobyerno at sa absolutista’t pasistang tunguhin.
Si Duterte ay hindi lamang Chairman of the Board ng kapitalistang uri. Sa hanay ng organisadong paggawa, laluna sa kilusang unyon, nabisto ang kanyang tunay na karakter sa paglulubid ng pangakong “contractualization must stop” ngunit hindi naman mailabas ang Executive Order para sa prohibisyon ng pagkokontrata ng trabahong “usually necessary and desirable”. Hindi rin kinondena ang Department Order 174, na mas masahol pa sa naunang mga kautusan ukol sa contracting at subcontracting.
Makikita din rin sa kanyang uring pinagmulan. Nagmula siya sa pamilya ng mga burukrata at itinataguyod ang interes ng mga dinastiya’t pampulitikang angkan sa kanayunan – na pyudal ang paraan ng pamumuno (pwersahan at pulitikal, imbes na ekonomiko).
4. Sa taong 2017, mas naging matingkad ang pasistang karakter ng kasalukuyang rehimen.
War on Drugs: Tinatayang mahigit 13,000 na ang napatay sa extra-judicial killings at sa Oplan Tokhang. Ang pagkamatay ng mga inosenteng kabataan gaya ni Kian delos Santos at Carl Arnaiz – na sumabay sa pagkabulgar ng P6.4 bilyong halaga ng shabu na diumano’y kinasasangkutan ni Polong Duterte at Davao group ng Bureau of Customs – ay nagresulta sa pagbaba sa trust rating ng butangerong pangulo. Markado ito sa class C-D (mga mahihirap) na nakatira sa mga komunidad kung saan kaliwa’t kanan ang nagaganap na mga patayan. Patuloy ang pagtugis sa mga pinaghihinalaang pusher at adik, na pinaparusahan ng hindi dumaan sa tamang proseso ng paglilitis at pagsasakdal. Ang gyera kontra droga ay muling ibinalik sa PNP, mula sa PDEA. Asahan nating magpapatuloy ang karahasan sa mga sibilyan.
War of Terror at Martial Law: Sa pamamagitan ng Proclamation 216, isinailalim sa batas militar ang buong Mindanao, bagamat ang grupong Maute ay nasa Marawi lamang. Nagkaroon ng magkabanggang pahayag si Duterte at ang AFP sa unang sagupaan sa Mindanao, na sinindihan ng tangkang pagdakip kay Hapilon Isnilon ng Abu Sayyaf. Pinasisilip nito na hindi kontrolado ni Duterte ang buong AFP, na pinamumunuan ng mga heneral na tinawag mismo ni Duterte na maka-Amerika. Ang batas militar sa Mindanao ay inayunan ng kongreso, at pinalawig hanggang sa dulo ng 2018. May mga pasaring din na palalawakin ang saklaw nito sa buong bansa.
Ang batas militar sa Mindanao at ang mungkahing pederalismo ay dagdag na komplikasyon sa umaandar nang usapang pangkapayapaan para sa mga armadong rebelyon ng Bangsamoro. Isang posibilidad na hindi ito maayos sa negosasyon at bumalik muli sa gyera.
Dulong bahagi ng taon, idineklarang terorista ang CPP-NPA. Nagkolaps ang usaping pangkapayapaan. Liban sa Mindanao, nagpapatuloy ang mga operasyong militar sa Batangas, Nueva Ecjia, Cordillera laban sa mga nagsusulong ng ‘people’s protracted war’. Ito ay probokasyon na maaring maghugis sa “total war policy” gaya noong panahon ni Cory Aquino.
Gyera laban sa Burges na Oposisyon (“Dilawan”) at Karapatang Pantao: Tinutugis ni Duterte ang mga personalidad ng “Dilaw”. Makikita ito sa impeachment kay chief justice Sereno, sa pagbabanta laban kay ombudsman Conchita-Morales (na pinaiimbestagahan ang mga binulgar ni senator Trillanes), at sa pagbibigay ng P1,000 pondo sa CHR kasabay ng berbal na atake kay CHR chair Gascon. Nagawa ito ng Palasyo dahil sa kongresong sunud-sunuran dito. Tuloy-tuloy din ang atake sa press freedom (kamakailan lamang ay inatake ang Rappler) habang nagkalat ang mga blogger gaya ni Mocha Uson at nagpapakalat ng pekeng balita at umaatake sa mga kalaban ng administrasyon.
5. Senaryo at Prospek
Ang direksyon ng pulitika ng bansa, kung masusunod ang administrasyong Duterte, ay ang pagbabago ng saligang batas. Ang Cha-cha ay nagsisilbi sa dalawang interes:
a) Pag-aalis sa proteksyon sa lokal na ekonomya. Pabor sa dayuhang kapital. Kung tutuusin, ngayon pa lamang ay marami nang ispesyal na batas na inalis na ang 40% na limitasyon sa dayuhang pag-aari at pagnenegosyo sa bansa. Gagawin ito para hikayatin ang dayuhang pamumuhunan na pumasok sa bansa, isa na rito ang sumosyo sa mga proyektong imprastraktura ng “build, build, build”, kapwa sa konstruksyon ng mga proyekto at sa pagpipinansya sa mga ito.
b) Pederal na paggubyerno. Pabor sa mga dinastiya, laluna sa labas ng Maynila. Ang nakokolektang buwis sa mga lokalidad ay makokonsentra sa mga probinsya, hindi sa kabutihan ng kanilang mamamayan kundi para panatilihin ang kapangyarihan ng mga naghaharing angkan (patronage politics).
Ito ay tatangkain nila sa tatlong paraan. (a) Con-ass, (b) rev-gov, (k) hayagang batas militar.
Con-Ass: Sa ganitong paraan, na pinapayagan ng 1987 Constitution, ang kongreso (kahit daw wala ang senado, ayon kay speaker Pantaleon Alvarez) ang tatayong constituent assembly para baguhin ang konstitusyon. Ito ay walang kredibilidad, kaya’t tinayo ni Duterte ang “Con-con”, isang consultative commission may 25 katao (mula sa mga eksperto at kinatawan ng mga sektor) ngunit magawang ianunsyo kung ang komposisyon nito. Sa ngayon, bumabara ito dahil sa issue ng “joint voting” kung hiwalay o iisang kapulungan sa pagboto ang kongreso at senado.
Rev-Gov: Ekstrakonstitusyunal. Idedeklara ni Duterte ang “revolutionary government”. Bubuwagin ang burukrasyang sibilyan. Pinalutang noong Nobyembre 2017, ngunit hindi nakakuha ng suporta mula sa militar.
Batas Militar: Nakalagay sa konstitusyon. Subalit kailangang likhain ang “state of lawless violence” upang magkaroon ng ligal na batayan. Posibleng dito nakadugtong ang probokasyon sa CPP-NPA, isang armadong kilusan na kahit na lumiit na sa bilang kumpara sa kanyang kalakasan noong dekada 80 ay may pambansang saklaw.
Ang ganitong mga pagbabagong pampulitika ay tatangkain ng rehimeng Duterte sa panahong mararamdaman na ng taumbayan ang epekto ng kanyang kontra-mamamayang patakaran, gaya ng TRAIN na magpapataas sa presyo ng mga bilihin at magpapabagsak sa tunay na halaga ng sahod (kakainin ng inflation ang naging pagtaas sa take-home pay dahil sa personal tax exemptions sa mga sumasahod ng mas mataas sa minimum wage).
PAGSUSUMA: Ang saligang tungkulin ng sosyalistang kilusan ng manggagawa, batay sa kasalukuyang kalagayan, ay ilagay ang kilusang paggawa sa unahan ng laban ng bayan sa pasistang rehimen, sa kontra-mamamayang mga atake sa ating karapatan at kabuhayan, at sa imperyalistang pandarambong sa ating ekonomya. Ibulgar ang makauring karakter ng pangulo – sa pamamagitan ng paniningil sa kanyang mga pangako – gaya ng pagwawakas sa kontraktwalisasyon, walang demolisyon kung walang relokasyon, land reform sa kanayunan, atbp., kasabay nang paghahapag sa alternatibang taliwas sa elitistang demokrasya. Ang kilusang paggawa ang dapat na maging kampeon sa laban para sa demokrasya at karapatan.
Magagawa ito kung mapapatingkad ang independyenteng panawagan ng kilusang paggawa, na naiiba sa magiging panawagan ng peti-burges sa lungsod na “depensahan ang 1987 constitution”. Ihapag ng manggagawa ang kanyang plataporma ng mga kahilingan na tumutugon sa kagyat na mga suliranin ng masa, nang hindi naiwawaglit ang paglilinaw na ang ultimong solusyon dito ay ang pag-agaw ng masa ng kapangyarihang pampulitika sa nagbabangayang mga elitista (nasa kampo man ni Duterte o ng mga Dilaw).
Comments
Post a Comment