1. Ang Pilipinas ay nananatili bilang isang atrasadong kapitalistang bansa. Ang mayorya sa populasyon ay ang uring manggagawa, na sumasaklaw maging sa malaking bilang ng mala-manggagawa. Minorya, sa kabuuan, ang manggagawa sa industriya. Mayorya sa kanayunan ay manggagawang bukid. Mayorya sa kalunsuran ay manggagawa sa serbisyo.
Sa populasyong mahigit 100 milyon ay may labor force (edad 15 pataas, nagtatrabaho o nais magtrabaho) na 43.739 milyon, na may employed na nasa 41.551 milyon.
· Sa hanay ng employed, 10.373 milyon ay nasa agrikultura. 7.504 milyon sa industriya, at 23.674 milyon sa serbisyo.
· Sa mga employed, 13,305 milyon ang part-time o nagtrabaho ng less than 40 workers kada linggo. 27.957 milyon ang full-time o nagtrabaho ng 40 oras o higit pa sa isang linggo.
· Sa employed, 25.872 milyon ang wage and salaried workers; 11.584 milyon ang self-employed without paid employee; 1.604 milyon ang employer in own family farm or business, 2.491 ang unpaid family worker. (Philippine Statistics Authority, October 2017).
2. Maliban sa mga datos hinggil sa pag-eempleyo, makikita rin ang pagiging atrasado ng lipunang Pilipino batay sa income distribution.
Kapag hinati ang kita ng mga indibidwal sa sampung bahagdan o decile, ang minimum wage worker ay nasa ika-pitong bahagdan o 7th decile.
Ibig sabihin, 60% ng populasyon ang kumikita ng mas mababa rito at nabubuhay sa informal economy.
Table 1: Monthly personal income tax (using 2018 salaries) by individual* | ||
Decile/Percentile | Typical individuals | Monthly individual wage |
D1 | subsistence poor | 1,000 |
D2 | subsistence poor | 2,000 |
D3 | Poor | 3,000 |
D4 | near poor | 4,000 |
D5 | near poor | 5,000 |
D6 | informal worker | 6,000 |
D7 | minimum wage worker | 8,000 |
D8 | above minimum wage | 12,000 |
D9 | Professional | 18,000 |
D10 | middle class | 50,000 |
P100 (top 1%) | Executive | 150,000 |
T1000 (top 10 of the top 1%) | CEO | 400,000 |
| Top taxpayer A | 1,000,000 |
| Top taxpayer B | 1,500,000 |
Department of Finance (DOF) Staff estimates |
3. Ang ganitong bansot na ekonomya ay hindi nakasalalay sa produksyon (sa industriya’t agrikultura) para sa pangangailangan ng mga Pilipino. Ito ay isang export oriented-import dependent economy, kung saan ang produksyon ay nakatuon sa pagdidikit ng bansa sa global value chain o GVC. 80% ng GVC ay kontrolado ng mga multinasyunal na korporasyon noong 2013, ayon mismo sa UNCTAD o United Nations Council on Trade and Development. Ito ay nasa 66% noong 1996 (BMP paper on APEC).
Kapag sinuri ang ating GDP o gross domestic product, ang 36.6% nito ay mula sa NCR, 16.8% mula sa Calabarzon, at Central Luzon na may 9.5%. Dito makikita ang konsentrasyon ng manggagawa sa industriya (Philippine Statistics Authority 2016).
Subalit dahil ang paglago ng ating GDP ay hindi naman nagmumula sa produksyon (industriya o agrikultura) kundi sa serbisyo. Mas malaking bahagi ng ating ekonomya ay nasa sirkulasyon ng pera at kalakal. Kasiglahan ng naturang sektor ay nangangahulugang ang GDP ay nagmula pa sa konsumo. Matagal nang itinuturo ng mga ekonomista na ang dahilan nito ay ang remittances ng mga OFW na nagpapaandar sa komersyo, kalakalan at pinansya, sa bansa, na lumalaki taon-taon.
Padala ng OFW (in million US Dollars) | ||
Taon | Personal Remittance | Cash Remittance |
2012 | 23,352 | 21,131 |
2013 | 25,369 | 22,984 |
2014 | 27,273 | 24,628 |
2015 | 28,308 | 25,607 |
2016 | 29,706 | 26,900 |
Source: BSP |
|
|
4. Ang ganitong klase ng ekonomya – atrasado’t bansot, nakasalalay sa pandaigdigang ekonomya – ay pinapanatili at pinalalalim ng mga neoliberal na patakarang pang-ekonomya. Ito ay ang mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon, at pleksibilisasyon sa paggawa.
Ang liberalisasyon ng ekonomya ng Pilipinas ay nagsimula sa panahon ni Cory Aquino. Bunsod ito ng pagbabago sa disenyo ng pag-unlad na inilalako ng mga gobyerno ng malalaking kapitalistang bansa – sa tulong ng mga pandaigdigang institusyong pang-ekonomya gaya ng International Monetary Fund (IMF) at World Bank (WB), alinsunod sa interes ng mga transnasyunal na korporasyon. Ang kanilang disenyo ay ang pagbabaklas sa mga interbensyon ng estado sa paggalaw ng merkado upang likhain ay isang pandaigdigang ekonomya sa ngalan ng “malayang kalakalan”. Nilikha nila ang World Trade Organization (WTO) na diumano’y pangunahing mangangasiwa sa kalakalan ng mga bansa at ibinabando noon bilang katapusan ng mga rehiyonal na asosasyong pangkalakalan gaya ng NAFTA, EU, ASEAN, atbp.
Dahil dito, pumasok ang sobrang kapital at kalakal ng malalaking bansa sa maliliit na bansa gaya ng Pilipinas. Ang sobrang kapital ay pumasok sa mga utilities (kuryente, tubig, komunikasyon, transportasyon, pagbabangko at pinansya, atbp.), na dating sineserbisyo ng mga gobyerno sa kanilang mamamayan. Ang mga transnasyunal na korporasyon ang nais hikayatin ng mga gobyerno ng bansa sa walang tigil na pagtatangkang baguhin ang 1987 Constitution, mula kay FVR hanggang kay GMA. Ineengganyo silang mamuhunan sa bansa sa pamamagitan ng pagbabaklas sa mga probisyon ng Saligang Batas para sa proteksyon ng lokal na ekonomya. Isang halimbawa nito ay ang limitasyong 40% sa dayuhang pag-aari sa likha at likas yaman ng bansa at sa mga itinatayong korporasyon.
Ang liberalisasyon ng pinansyal na merkado, sa tulak din ng higanteng pagbabago sa komunikasyon dahil sa internet, ang lumikha ng pagsigla ng housing sector at pinansya sa Estados Unidos. Ito ang nagsindi ng global financial crisis noong 2008.
Sa taon ding ito, nagkolaps ang negosasyon sa WTO sa Doha, Qatar dahil sa di-pagkakasundo ng mga malalaki at maliliit na bansa sa mga usapin ng subsidyo sa agrikultura at serbisyo.
Dahil sa global financial crisis at WTO deadlock, muling binuhay ang importansya ng mga rehiyonal na pormasyon (tulad ng APEC at ASEAN), na siyang lunsaran ng kompetisyon sa pagitan ng malalaking bansa, partikular ng Estados Unidos at ang Tsina (na mas kinakitaan ng mas malaking pang-ekonomikong pag-unlad kumpara sa mga bansa ng North America at Europa na sumisinghap-singhap pa sa dagok ng pandaigdigang krisis pinansyal).
Ang banggaan sa interes ng Estados Unidos at Tsina, na ramdam sa ating bansa sa anyo ng girian sa West Philippine Sea, ang isa sa pangunahing salik sa magiging kalagayang pang-ekonomya ng Pilipinas sa malapit na hinaharap.
5. Sino ang nakinabang sa liberalisasyon ng ekonomya ng bansa? Walang iba kundi ang mga kapitalista na naging kasosyo ng mga transnasyunal na korporasyon sa malayang pandarambong ng lokal na ekonomya. Sina Henry Sy, John Gokongwei Jr., Enrique Razon, Lucio Tan, Jaime Zobel de Ayala, David Consunji, George Ty, Tony Tan Caktiong, Andrew Tan, Ramon Ang, atbp.
Dahil sa neoliberal na doktrinang pang-ekonomya, naging saksi ang bansa sa walang kaparis na konsentrasyon sa yaman sa kamay ng iilan, na hindi naiiba sa direksyon ng agwat ng mayaman at mahirap sa buong daigdig. Sila ang nakinabang sa tuloy-tuloy na paglago ng ekonomya (gross domestic product at gross national product matapos ang Edsa 1986).
Noong 2017, 14 bilyonaryong Pilipino ang nakasama sa listahan ng pinakamayayamang tao sa daigdig. Ang pag-aari ng sikwentang (50) pinakamayaman sa bansa (nasa USD73.9 bilyon) ay katumbas ng 24.24% ng GDP noong 2016. [Rappler, Inquirer Business]
Sa buong mundo, ang yaman ng 8 bilyonaryo ay katumbas ng taunang kita ng kalahati ng sangkatauhan! [Oxfam 2017], mula sa 80 noong 2017, at 358 noong 1996.
6. Ang patakarang pang-ekonomya ng rehimeng Duterte ay hindi naiiba sa mga nakaraang administrasyon. Hindi pa man sumusumpa sa pagkapangulo si Duterte, noong Mayo 2016, inanunsyo na ni Carlos Dominguez – kinalauna’y naging Department of Finance – na ang ipagpapatuloy ng bagong rehimen ang “current macroeconomic policies”.
Ito pa nga ang una sa listahan niya ng ng 10-point agenda ng pumalit na administrasyon, na tila nais alisin ang mga pangamba ng mga namumuhunan sa pagiging maka-mahirap (at baka kontra-mayaman) ng bagong residente ng Malakanyang. Sa madaling salita, tuloy ang liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon, at pleksibilisasyon ng paggawa! Tuloy ang rekolonyalisasyon ng dayuhang kapital sa ekonomya ng bansa.
Kung mayroon mang kaibhan ang programang pang-ekonomya ng rehimeng Duterte, ito ay ang agresibong pagpapasikat ng ekonomya sa pamamagitan ng mga proyektong pang-imprastaktura. Ang tinaguriang “Duterte-nomics” ay may panawagang “build, build, build”.
Taliwas ito sa naging patakaran ng pagtitipid ng administrasyon ni Noynoy Aquino, na diumano ay inuna ang paglilinis ng burukrasya kasabay ng walang tigil na paninisi sa termino ni Gloria Arroyo, pero ang totoo, ang underspending ay mas nagsilbi sa pag-iipon ng budget surplus ng gobyerno upang likhain ang ilusyong sumisigla ang ating ekonomya. Ang lakas ng loob pa nitong magpautang sa ibang bansa upang ipagmalaking tayo daw ay hindi na isang debtor country kundi isang kreditor, na sapat para sumigla ang ispekulasyon sa pinansyal na merkado, sa sugalan sa stock market, na hindi naman nararamdaman ng milyon-milyong Pilipino.
7. Ang “build, build, build” ay Sa balangkas, walang bago sa "build, build, build". Ang layong pagsugpo sa kahirapan - pagbaba ng poverty incident mula 21.6% noong 2015 tungo sa 13%-15% sa taong 2022 - ay gagawin sa pamamagitan ng pagpapalago ng yaman (wealth generation imbes na wealth redistribution).
Ito rin ang "trickle down theory" na matagal na nating pinupuna. Kahit umunlad ng umunlad ang negosyo, punuin ng pera ang bulsa ng mga kapitalista, barya lamang - kung mayroon man - ang papatak na biyaya sa manggagawa't maralita.
Ang pagpapasigla ng ekonomya ay gagawin nila sa pamamagitan ng mga malalaking proyektong pang-imprastraktura na nagkakahalaga ng P8 to P9 trilyon mula 2017 hanggang 2022.
Sino ang makikinabang sa “build, build, build”? Anila, lilikha daw ito ng trabaho. Subalit kung trabaho ang pag-uusapan, ito ay pansamantala lamang sa short-term. Ang malilikha nito ay ang trabaho sa konstruksyon ng mga proyekto, isang uri ng pag-eempleyo kung saan madalang kundi man imposible ang pagreregular sapagkat ang iskema ay project-based employment.
Sa long-term, bumilis man ang transportasyon ng mga kalakal at lakas-paggawa (at bumilis ang komunikasyon, na maaring makahikayat ng pamumuhunan sa BPO at magpabilis sa mga online transaction), mas nakatuon ito sa pagpapabilis ng sirkulasyon ng pera at kalakal, mga klase ng trabaho sa sektor ng serbisyo kung saan hindi moda ang pagreregular ng mga manggagawa. Ito ay hindi mga istableng trabaho kumpara sa kalikasan ng industriya’t agrikultura.
Isang sektor na klarong makikinabang sa mga proyektong pang-imprastraktura ay ang mga urban landlord. Ito ngayon ay kinakatawan ng mga property development firm, na kadalasang pag-aari din ng mga pinakamayayaman sa bansa (SMDC ni Sy, Eton ni Lucio Tan, Ayala Land ng Ayala, Camella ni Villar, atbp.) Itaas nito ang land value ng mga lupa.
Subalit mas makikita kung nakaninong pakinabangan, sa kagyat, ang “build, build, build” sa mismong iskema kung paano ito popondohan. Ayon mismo sa Department of Finance (DoF), ng pagpopondo nito ay nahahati sa dalawa: (a) 70% mula sa domestic borrowings, (b) 30% mula sa official development assistance (ODA).
Una, domestic borrowings. Sino ang makikinabang rito? Ang mismong pinakamayayamang tao sa Pilipinas, na bawat isa ay nasa mundo ng pinansya, sa anyo man ng pagmamay-ari sa mga bangko (BDO ni Henry Sy, BPI ni Ayala, atbp.) o sa pamumuhunan sa mga stocks/equity ng kompanyang makakakuha ng kontrata sa naturang mga proyekto at sa mga bond ng gobyerno.
Ikalawa, official development assistance, sa madaling salita, utang ng gobyerno sa mga dayuhan. Ang outstanding debt ng gobyerno, sa target ng gobyernong Duterte, ay tataas ng 7.6% kada taon. Malayo sa average increase na 4.38% sa panahon ni Noynoy. Ang outstanding debt ay ang utang na may interes.
Isa sa halimbawa nito ay ang P140 bilyon na ODA mula sa Tsina, hindi pa kasama dito ang P6 bilyon na “grant” para sa proyektong imprastraktura.
Hindi nangangamba ang mga economic managers ng gobyerno sa gagawing agresibong pag-uutang. Hinahalimbawa nila ito sa isang negosyo na mas malaki ang mapapaikot na pondo para lumaki ang tubo. Subalit kung ganito ang paralelismo, ang malaking utang ay magiging kapakipakinabang kung (a) hindi uubusin sa luho ng isang negosyante o kanyang mga kamag-anak, at (b) hindi sobra ang taas sa interes ng mga utang. Dito hindi nakakasiguro ang taumbayan. Sapagkat ang klase ng mga trapong pulitiko na nakaikot kay Duterte ay yun ding mga burukratang nakasanayan na ang iba’t ibang mga SOPs (standard operating procedures) kung paano gagatasan ang mga proyekto ng gobyerno. Ang interes naman ng mga utang sa Tsina ay hindi binubulgar.
Ang nakakabahala ay kung maulit sa bansa ang nangyari sa Sri Lanka. Umutang ito sa Tsina, ngunit nang hindi makapagbayad, ay pumasok sa debt-to-equity swap. Kapalit ng utang, ibinigay sa Tsina ang pag-aari sa naipatayong mga proyekto bukod pa sa bahagi ng kanilang teritoryo.
8. Ang paglobo ng utang ng gobyerno ay nagpapalapit sa posibilidad na dumaan muli ang bansa sa isang fiscal crisis o krisis sa pagpopondo’t pagbabadyet ng gobyerno. Nagaganap ito kung hindi na makapagbayad sa utang ang isang gobyerno. Ang epekto ay ang tuluyang pag-utang, sa mataas na interes dahil sa pagbagsak ng credit rating, para makapagbayad ng utang, at ang pagtitipid sa mga panlipunang serbisyo (kalusugan, edukasyon, pasweldo sa manggagawa sa pampublikong sektor, atbp.) sa pagtatangkang makapagbayad sa mga kreditor.
Sa mga bagong utang na papasukin ng rehimeng Duterte, ang matyuridad ay nasa sampung taon pa pataas. Kaya’t hindi kinakabahan ang Department of Finance sa posibilidad ng fiscal crisis. Ang kailangan lamang nilang tiyakin ay hindi bumagsak ang credit rating ng bansa at mapanatili ang kumpyansa ng mga kreditor na may kapasidad na magbayad ng utang ang gobyerno ng Pilipinas. Paano ito ginagawa? Sa pamamagitan ng bagong buwis.
9. Sa pagpasok ng 2018, ipinatupad na ang Package 1 ng TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion), na naisabatas noong Disyembre 2017. Sa pinakasimple, ang ginagawang tax reform ay pagpihit ng koleksyon ng BIR mula sa kita tungo sa konsumo.
Kaya’t ipinagmamalaki nitong itinaas ang personal tax exemption (sa package 2 ay ang corporate income) ng mga indibidwal. Subalit dahil ang minimum wage worker ay dati nang eksempted sa withholding tax, ang makikinabang dito ay ang mga propesyunal, middle class, at nasa mataas na posisyon sa burukrasya ng mga korporasyon.
Ibinaba rin ang buwis sa mga karaniwang suliranin ng uring may-pag-aari – ang estate tax at donor’s tax – na binabayaran upang maipamana ng isang yumao (o bago yumao) ang pag-aari sa kanyang mga benepisyaryo.
Sa mga pagbubuwis sa pagkonsumo, itinaas ang excise tax sa produktong petrolyo at sa sugar sweetened beverages. Hindi maiiwasang tamaan nito ang lahat ng sektor ng lipunan, kahit ang “poorest of the poor”. Kaya naman, nang inulan sila ng batikos, nagpanukala ang DoF ng tax transfer (parang CCT o conditional tax transfer) para sa mga mahihirap.
Asahan nating magreresulta ang TRAIN ng pagsirit sa presyo ng mga bilihin, lalupa’t ang produktong petrolyo ay ginagamit sa paglikha ng kuryente at sa transportasyon ng mga kalakal. Ibabagsak nito ang totoong halaga ng sweldo (real wages).
10. Ang posibilidad ng isang fiscal crisis ay malayo pa kung ang kasalukuyang utang lamang ang titingnan. Ngunit tandaan natin na ito ay mga transaksyong naganap sa panahong hindi pa nakakaahon ang pandaigdigang kapitalistang sistema sa 2008 global financial crisis.
Kapag naganap muli ang ganitong krisis, asahan nating hihigpit ang gripo sa mga pagpapautang – laluna ng mga dayuhan – dahil uunahin nilang isalba sa ganap na pagbulusok ang kanilang sarili gaya noong bailout ng US Federal Reserve sa mga bangko ng Amerika noong 2008.
Isa sa magiging epekto nito ay ang pagtaas sa interes sa pautang, na siya namang ikalulubog ng mga maliliit na bansa gaya ng Pilipinas.
Kapag ganito ang nanyari, maoobliga ang gobyerno ng Pilipinas na magtaas ng garantisadong interest rate sa kanyang mga public bonds. Itataas nito maging ang interest rate sa pautang ng lokal na banking industry.
Noong 1997 Asian financial crisis, nang itaas ng Bangko Sentral ang kanyang interest rate para ampatin ang mga uutang para bumili ng dolyar, ang mga pabrikang umuutang para sa ekspansyon at para sa dolyar na gagamitin sa pag-import ng mga hilaw na materyales at makina, ay nakaranas ng rotation, retrenchment at closure.
Sa pagsusuma sa ating kalagayang pang-ekonomya, ang aasahan natin sa rehimeng Duterte ay ang pagpapatuloy sa mga neoliberal na patakarang pang-ekonomya, ang pagbilis pa ng konsentrasyon ng yaman sa kamay ng iilan, ang pagpapanatili sa export-oriented, import-dependent economy, ang pagbubukas ng bansa sa mga dayuhan (mas iigting kapag nagtagumpay ang Cha-cha), ang paglobo sa utang ng gobyerno sa mga bangkong lokal at dayuhan para sa “build, build, build”, ang pagtataas ng mga buwis sa paraan ng TRAIN upang mabayaran ang naturang mga utang, at ang pagpapabilis sa posibilidad ng isang fiscal crisis. #
Comments
Post a Comment