Pagtutol sa Rekognisyon ng Estados Unidos sa Herusalem bilang Kapitolyo ng Zionistang Estado ng Israel
Resolusyon Blg. 20: Pagtutol sa Rekognisyon ng Estados Unidos sa Herusalem bilang Kapitolyo ng Zionistang Estado ng Israel
Ang State of Israel ay nilikha ng mga imperyalista at pwersahang itinakda sa loob ng teritoryo ng bansang Palestine noong Mayo 1948 at sa tuloy-tuloy na madugong gyera ng atrisyon na tuluyang nagpaalis sa mamamayang Palestino;
Ang mga mamamayang Palestino ay nananatiling isa sa pinakaaping bansa sa buong mundo, nagdarahop at itinuring na segunda-klaseng mamamayan na mga karatig na bansa;
Patuloy ang paglulunsad ng pambansang pakikibaka ng mga Palestino upang makabalik sa kanilang mga lupain, kasama ang Herusalem;
Mayorya ng populasyon ng daigdig – kabilang ang maraming mga gubyerno – ang kumikilala at sumusuporta sa interes ng mga Palestino, na may pitong dekada nang nakikibaka para ipagtanggol ang interes ng kanilang bansa;
Sa kasaysayan ng kilusang paggawa, ito ay nakikiisa sa lahat ng pakikibaka ng mga inaaping bansa, laluna ang bansang Palestine; at,
Noong nakaraang buwan, idineklara ni US president Donald Trump ang opisyal na pagkilala nito sa Herusalem bilang kapitolyo ng kaalyado nitong Israel, sa harap sa matinding protesta ng gobyerno ng iba’t ibang mga bansa at ng progresibo, rebolusyonaryo at maka-Kaliwang mga samahan sa buong daigdig.
Kung gayon, ipinapahayag ng ika-8 Kongreso ng BMP ang walang pagtutumangging pagsuporta sa mamamayang Palestino para sa kanilang pambansang kasarinlan, at sa pagtutol sa rekognisyon ng imperyalistang Estados Unidos sa Herusalem bilang kapitolyo ng Israel.
Comments
Post a Comment