Resolusyon Blg. 19: Hinggil sa Imperyalistang Gyera ng Agresyon
Yayamang:
Ang pandaigdigang kilusang paggawa ay pangunahin at matibay na tumututol sa anumang anyo ng imperyalistang gyera ng agresyon sa anumang bahagi ng daigdig;
Ang pandaigdigang ekonomya, na nananatiling matumal matapos ang 2008 global financial crisis, ang nagtutulak sa mga imperyalista tungo sa redibisyon ng mundo, sa pagitan ng Estados Unidos at mga kaalyado nito, ang alyansa ng Tsina at Rusya, at mga bansang itinataguyod ang kanilang soberanya sa mga malalaking kapitalistang bansa gaya ng Cuba, Venezuela, Iran, Syria, North Korea, atbp.
Ang pinagmumulan ng mga tensyong ito ay ang kompetisyong pang-ekonomiko, pampulitika, at militar – sa pagitan ng mga pandaigdigang mga kapangyarihan na nagtatangkang kontrolin ang pandaigdigang merkado;
Anumang gyera ng agresyong inudyukan ng mga imperyalista ay nagmumula sa motibo ng tubo; na bibiktima sa milyon-milyong inosenteng sibilyan, na ang mayorya ay ang mga uring manggagawa at masang anakpawis; at,
Sa ating bansa, ramdam ang paparating na tagisan ng interes sa pagitan ng Tsina at Estados Unidos sa pinagtatalunang teritoryo sa tinaguriang West Philippine Sea.
Kung gayon, tumitinding ang ika-8 Kongreso ng BMP na suportahan ang mamamayan ng daigdig sa kanilang pagtutol sa napipintong mga imperyalistang digma at sa naghihingalong kapitalistang sistema – sa pamamagitan ng pagsikhay sa gawaing alyansa at gawaing internasyunal, sa pandaigdigang kilusang paggawa at kilusang demokratiko, sa batayang anti-imperyalista at anti-kapitalista, tungo sa tunay at totoong kooperasyon ng lahat ng mga bansa.
Comments
Post a Comment